By A Web Design Company
2012 Philracom Garnet I bakbakan ng magkaka-stablemate?
- Thursday, 12 January 2012
- Written by Edgar Mendez
May katotohanan kaya ang balitang apat sa limang kalahok sa 2012 Philracom Garnet 1 (1st leg Imported/Local Challenge Race) na nakalinyang bitawan ngayong Linggo sa karerahan ng Carmona, Cavite ay iisa lamang ang nagmamay-ari?
Bakit bigla na lamang nagkaiba-iba ang nakalistang bagon may-ari ng ilang kalahok na sa totoo ay pag-aari lamang ni Atty. Narciso Morales?
Tanging ang Juggling Act na nabili na umano ni Hermie Esguerra ng P5-milyon upang gawing palahian ang maaaring tutuong wala na kay Atty. Morales.
Bakit kaya naging maluwag ang pangasiwaan ng Philracom na palusuting ang ganitong klaseng paglilipat ng pagmamay-ari ng mga kabayong nakatakdang lumahok sa isang malaking karera?
Ang ganitong sistema ng pagsasaayos ng malalaking karerang nasa ilalim ng pamamahala ng Philracom na isang opisina ng gobeyerno ay hindi maganda sa industriya ng kerera sa bansa.
Malaking kasiraan ito sa kumpiyansang nararapat sanang makuha ng Philracom mula sa 'bayang kareristang' naniniwalang sila (Philracom) ang unang hahadlang sa sinumang magbabalak gumawa ng mga 'yarian ng karera.
Marahil ay balak nilang maisalba ang larangan ng pustahan sa ika-4 na karera dahil dalawang numero lamang ang nararapat tayaan kung sakaling maging magka-couple entry ang naturang mga kabayo.
Subalit lalong magkakaroon ng pagdududa ang mga apisyonado ng karera dahil alam naman ng lahat na tanging si Atty. Morales ang tunay na may-ari ng apat na kabayo na tatlo sa mga ito ay bigla na lamang nag-iba ng may-ari.
Tiyak na mas malaki ang epekto nito sa larangan ng pustahan at mababawasan ang sigla ng 'bayang kareristang para panoorin ang ganitong klase ng karera.
Harinawang huwag nang maulit ang ganitong klaseng karera na hindi makabubuti sa industriya ng karera.
***
Napaulat na parang nagiging personalan ang maigting na labanan sa pagitan ng dalawang magagaling na 2-year-od sa bansa.
Tila nagkakaroon ng samaan ng loob ang kani-kanilang may-ari dahil sa dalawang manunulat sa karera na tila pinagsasabong ang naturang mga may-ari.
Sana'y huwag na nilang palakihin ang iringan ng dalawang may-ari dahil mas magandang panoorin ang muling pagsasagupa ng kani-kanilang kabayo sa darating na malalaking karera.
At para naman sa mga may-ari ng dalawang kabayo, dapat sigurong pag-usapan ninyong mabuti kung ano ang nararapat para higit na maging kapanapanabik ang muling laban sa pagitan ng inyong mga kabayo na tiyak na nakalinyang maging "superhorse" na hahangaan ng bansa sa tamang panahon.
Sa ganitong paraan ay patuloy na maaayos at magiging maganda ang bawat malaking karerang nakatakdang bitawan ngayong taon.
Last Updated on Thursday, 12 January 2012 14:12




