By A Web Design Company
Magna Carta, Kumita ng P8M
- Friday, 20 January 2012
- Written by KaFer Taboy
Source: Balita
Inilabas ng nga Philippine Racing Commission (Philracom) ang talaan ng mga nangungunang kabayo sa nakalipas na pakarera noong 2011.
Pinangunahan ng Magna Carta ang listahan ng mga magagaling na kabayong pangarera matapos itong kumita ng mahigit sa P8 milyon, ito ang tinanghal na 2011 Triple Crown champion mula sa kuwadra ni Michael Dragon Javier.
Ang Magna Carta ay nagtala ng 11 panalo at 5 pagwawagi sa ikalwa sa mga naging laban sa 2011.
Tinanghal din ang Magna Carta na kampeon sa nakaraang Presidential Gold Cup, ang isa sa pinakamalaking pakarera ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Pumangalawa sa puwesto ang Humble Riches ni Kenneth Causon na may 7 panalo sa unang puwesto at nag-iisang pangalawang puwesto matapos mabigo sa 2011 Philracom Juvenile Championship. Nakapag-ipon ng P4,902,418.00 premyo ang Humble Riches.
Bagamat medyo kinapos ang Tensile Strength, matapos na hindi makasali sa Presidential Gold Cup dahil pinagpahinga ito nang magkaroon ng deperensiya sa paa, nalagay naman ito sa pangatlong puwesto na may kitang P4,365,879.
Ang Tensile Strength ay pag-aari ng Com. Jun Sevilla na nakapagtala naman ng 10 panalo sa unahan, 3 sa pangalawa 3 sa ikatlo at 2 sa ikaapat.
Ang beteranong kabayo naman na Yes Pogi ang nasa pang-apat na puwesto matapos itong kumita ng P4,008,298 mula sa 6 na panalo sa unahan, 3 sa ikalawa, 1 sa ikatlo at 1 sa ikaapat.
Kabilang sa top 10 ang Juggling Act bilang No. 5 na nagbulsa ng P3.51-million premyo, pang-anim ang Cheese Mosa na may P3.38-million at No. 7 naman ang Constatic na may kitang P3.06-million.
Ang 2011 1st Leg Triple Crown champion na Hari Ng Yambo ay nasa No. 8 na kumita naman ng P2.84-million habang No. 9 ang Prime Rate na may naipon na premyong P2.71-million at No. 10 naman ang Barkley na may kitang P2.38-million.




