By A Web Design Company
Jessie Guce, 2011 top jockey
- Friday, 20 January 2012
- Written by KaFer Taboy
Source: Balita
Batay sa huling record ng Philippine Racing Commission (Philracom), nanguna bilang top jockey si Jessie B. Guce, tinanghal naman na top trainer si Ruben Tupas at top earning horse owner si Aristeo Puyat para sa 2011.
Ang karangalan ay nasungkit ni Jessie, anak ni dating star jockey Meastro Bong Guce, nang makapagtala ito ng kita na P5,908,499.36 mula sa 1,101 takbo na nag-iwan ng 238 panalo, 159 ikalawa, 173 ikatlo at 141 ikaapat na puwesto pagtatapos ng 2011.
Pumangalawa lamang ang mahigpit nitong karibal na si jockey Jonathan Hernandez na kumita naman ng P4,543,572.75 mula sa 733 sakay nito na nakapagtala ng 186 panalo.
Pumangatlo naman si Jockey Pat Dilema na kumita ng P4,426,413.15 premyo kung saan ay may 853 takbo na taglay ang 179 panalo.
Pinangungunahan naman ni Tupas ang grupo ng mga trainer matapos kilalanin siya ng Trainer Association bilang top grosser ng 2011.
Sa pangunguna ni Trainer Association president Kap Abong Guce, kinilala ang nalambag ni Tupas sa industriya ng karera sa kanilang sector ng horse trainers.
Tinanghal naman na winningest trainers si Nelson Lorica habang longest shot Trainer of the year naman si Gerry Jacob.
Tinanghal na overall standing si Tupas matapos na kumita ng P2,625,358 mula sa kanyang mga inalagaang kabayo, 132 dito ay kampeon, 145 ang ikalawa, 100 ang ikatlo, at 108 ang ikaapat.
Tanging si Lorica naman ang nakapagtala ng walong panalo sa Stakes race na kinabibilangan ng kanyang alagang Juggling Act na isang imported horse.
Kumita naman si Lorica ng premyong P777,477 sa 40 panalo, 20 sa ikalawa, 14 sa ikatlo at 18 sa ikaapat.
Ang pangunguna ni Puyat ay batay sa kinita nitong P12,299,884.23 na nagdala ng 72 kampeon, 83 sa ikalawa, 99 sa ikatlo at 62 sa ikaapat.
Ang trono na dating hawak ni Hermie Esguerra ay pangwalo lamang sa puwesto matapos magbulsa lamang ng P7,206,324.39 mula sa 49 na panalo.
Nasa ikalawang puwesto si Atty. Narciso Morales na may P11,991,243.26 na may markang 71 panalo, 58 sa ikalawa, 56 sa ikatlo at 59 sa ikaapat.
Pumangatlo naman si Jeci Lapuz na kumita ng P9,599,159.36 mula sa 57 panalo, 41 sa ikalawa, 56 sa ikatlo at 77 sa ikaapat.
Winningest horse naman sa 2011 ang Magna Carta na kumita ng P8,056,191 mula sa 11 panalo at 5 segundo.
Ang Magna Carta ang tinanghal na 2011 Presidential Gold Cup champion at dalawang beses rin na tinanghal na 2011 Triple Crown champion.




