By A Web Design Company

Pagbabago sa karera, inaasahan na

  • PDF

Source: Balita

Bumaba ang kita ng mga karera noong nakaraang taon ng Philippine Racing Commission (Philracom) bago pa man umupo si Chairman Angel Castaño, kumpara sa karera noong 2010.

Batay sa record, sumadsad sa P96,229,115 ang kita noong 2011 kumpara sa taong 2010.

Sa ulat, may kabuuang 1.51% ang ibinaba ng kita sa huling taon ng panunungkulan ni dating Philracom Chairman Jose Ferdinand Rojas.

Sa unang buwan pa lang ng 2011, nakita na ang pagbagsak ng benta sa takilya na may pinakamataas na antas na 6.61%.

Sa rekord noong Enero 2010, kumita ang Philracom ng P700,855,623 habang P654,523,034 lamang ang benta noong 2011 na umaabot sa P46,332,589 ang ibinaba ng kita.

Nabatid na tumaas naman ang benta noong Pebrero 2011 sa P635,294,009 kumpara sa 2010 na kumita lamang ng P628,139,824 o may katumbas na 1.14%.

Ang masakit nito, sumadsad ang kita ng karera sa bansa noong Marso, Hunyo, Hulyo, Agosto, Setyembre, Oktubre, at Nobyembre 2011.

Sa naturang pagbagsak, umabot sa 7.59% ang ikinalugi ng benta noong Hunyo kung saan ay nagaganap pa ang malalaking pakarera ng Komisyon kabilang dito ang Triple Crown Championship.

Ito ang dahilan kung bakit sa ilalim ng bagong pamunuan ni Chairman Castaño ay mahigpit na ipinatutupad nito ang mga bagong reglamento na naipasa na sa ilalim ng bagong pamunuan ng board.

Naniniwala si Castaño na sa pamamagitan ng paghihigpit sa batas ng karera ay gaganda ang kanilang program, partikular sa kanilang pagtutok sa mga maling nagaganap sa Board of Steward at handicapping.

Sa unang buwan ng 2012 nakita na ang malaking pagbabago sa loob ng karera na batay na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng regulasyon laban sa mga hinete.

Umaasa ang Philracom na kanilang maitataas ang benta ng karera sa taong 2012 batay sa matuwid na landas na pamamahala.

Last Updated on Monday, 06 February 2012 10:27