By A Web Design Company
Kultura ng Karera
- Tuesday, 14 February 2012
- Written by Jenny Ortuoste
Source: Bandera
MAIBA naman tayo sa karaniwang pinag-uusapan natin sa komum na ito at talakayin po natin ang ibang dako ng mundo ng karera -- ang kultura nito.
Alam po ba ninyo na may kanya-kanyang mundo ang iba-ibang mga gawain ng tao, lalo't pagdating sa libangan?
Iba ang mundo ng karerista sa sabungero at sa mga nagka-casino.
Una, bukod sa magkaiba ang uri ng kanilang laro, iba rin ang kulturang bumabalot dito. Kasama na rito ang rules ang regulations ng laro, ng industriya, at ang mga norms o alituntunin ng gumagabay sa behavior at attitudes ng mga nasasangkot dito.
Ang tawag sa mga mundong ito ay "subcultures", o mga kultural na grupo na bahagi ng mas malaking grupo (tulad ng lipunan) na kadalasan ang paniniwala o interes ay di-kapareho o taliwas sa kulturang ng mas malaki o sumasakop na grupo.
Kakaiba ang subculture ng karera dahil sa sariling norms o kinagagawian, may sarili rin itong salita na ang nakakaintindi lamang nito ay ang mga miyembro ng grupong ito.
Mailalagay rin da dalawang kategorya ang mga miyembro ng komunidad ng karera.
Isa rito ang "taga-karera", na siyang direktang nagpapalabas o nagko-conduct ng karera, tulad ng hinete, trainer, sota, horseowner, racing clubs, OTB operators, etc.
Nariyan rin ang mga "karerista" o mananaya, ang mga naglalaro ng libangan ito na hindi mismong involved sa race conduct.
Malawak ang karera kung gagawin itong field of research, at sana dumami pa ang mga nananaliksik sa mundong ito, hindi lang mula sa aspeto nito bilang sport o laro, ngunit mular rin sa aspeto nito bilang isang komunidad na may sariling kultura na sinag-ayunan ng mga kalahok nito.




