By A Web Design Company

Sobrang Tinding Dehado

  • PDF

Source: Bulgar

Tatlo pa lang ang karerang nailalarga noong Martes nang gabi. Pero sa tatlong karerang iyon ay naramdaman na agad ang pagkakaroon ng carryover. Paano kasi ay may nanalong dalawang sobrang tinding dehadong kabayo.

Sa unang karera ay bumulaga na agad ang longest shot na si Masaganang Ani. At namumulaklak na dibidendo ang inani sa pagkakapanalo. Sa forecast lang na katambal ang primera liyamadong si Be Cool ay P3,766 agad ang naging pabuya.

Rito sa ikalawang karera ay muntik na rin ang pinakadehadong si Custer na pinatungan ni J.B. Guce.. Sa huling likuan ay nangunguna pa siya at pilit siyang hinahabol ng isa pang dehadong si Tagumpay. Kaya lang ay nagparemate rin ang third pick na si Ain't Misbehavin na siyang nagwagi.

Sa pagsapit ng ikatlong karera na panimula ng pick six ay muling kumana ang dehadong si Windy Wind na sinakyan ni R.C. Baldonido. Pumangalawa sa kanya ang segundo-liyamadong si Invincible at walang binatbat ang paboritong si Safety's Gold.

Bago ito ay nagkaroon ng kalituhan ang mga karerista. Ito kasing si Platinum Lance na isa sa ipinapatok ng clockers at tiyempista ay bigla na lang na-scratch sa naturang karera. SI Platinum Lance ang magiging outstanding favorite sa grupo at isa sa pinapandiin ng mga karerista.

Sa pagkaka-scratch ni Platinum Lance, nag-agawan sina Safety's Gold at Invincible sa pagiging liyamado na patutunguhan ng mga parating na tickets na mahigit lang sa isang libong piso mula sa winner-take all.

Pero, kahit ang na-scratch at maging ang naging paborito ay kapwa nagsilaglagan dahil ang dehadong si Windy Wind ang bumulagang nagwagi sa karera. Segundong dikit si Invincible at Panlima si Safety's Gold.

Bokya na ang paratingan dito kay Windy Wind kaya naman pinatugtog na ng karerahan ang kantang "May Bukas Pa" na ang ibig sabihin ay ang pagkakaroon ng carryover na umabot sa P1,715,448.65 sa ating winner-take-all.

Sa consolation purse ay P57,191 ang premyo para sa 10 winners sa winner-take-all. Sa ating pick six naman ay P98,549 ang siyang paycheck. At dahil hindi na inabot ng dalawang dehado ang pick five ay P247 na lamang ang ambon na nakuna nito.