By A Web Design Company

Cheese Blanca, 3YO Fillies champion

  • PDF

Source: Balita, Feb. 20, 2012

Matagumpay na hinabol ni dating BIR Commissioner Sixto Esquibias ang titulo ng katatapos na Amethyst II matapos magwagi ang kanyang alagang Cheese Blanca sa karerang ginanap sa bakuran ng San Lawzaro Leisure Park sa Carmona, Cavite nitong Sabado ng gabi.

Tinangahal na bagong 3-year old Fillies champion ang Cheese Blanca matapos biguin ang Posse Left na alaga ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos.

Tumataginting na P300,000 premyo ang nakamit ng Cheese Blanca sa patnubay ni Philtobo Jockey of the Year Jonathan Hernandez.

Tumanggap naman ng P112,500 ang pumangalawang Posse Left at P62,000 ang pumangatlong Alpha Alleanza habang, nabiyayaan naman ng P25,000 ang pumang-apat na Dancing Rags.

Sa simula pa lang ng karera, sa distansiyang 1,600 meters, naging kapana-panabik ang laban matapos kunin ng maaga ng Posse Left ang unahan.

Lalong umingay ang apat na sulok ng karerahan ng pamunuan pa rin ng alaga ni Mayor Abalos ang laban habang unti-unting nang sumusungaw sa huling kurbada ang llamadong Cheese Blanca.

Agad na nakuha ng Cheese Blanca ang liderato mula sa banderang Posse Left sa huling nalalabing 400 meters at tuluyang iwanan ang mga kalaban sa layong 10 kabayo ang layo patungo sa finish line.