By A Web Design Company

Sobrang init ng aksiyon!

  • PDF

INQUIRER BANDERA - MAY 22, 2012

Akala ng karamihan, dahil pumasok na ang mga ulan ay naibsan na ang init ng summer sa Pilipinas. Ngunit hindi ito ang kaso kung pag-uusapan ang karera - dahil sa nakakapasong aksiyon na natunghayan ng Bayang Karerista nitong nakaraang weekend sa Santa Ana Park ng Philippine Racing Club sa Naic, Cavite. Noong Sabado, May 19, idinaos ang dalawang karerang hitik sa sabik ang Philippine Racing Commission 1st leg Hopeful Stakes at Philippine Charity Sweepstakes Office Special Maiden Race. Napakainit ng labanan rito kahit umulan bago noong dalawang karera at naging sloppy ang pista.

Sa Philracom Hopeful Stakes, nagbandera ang Yes Yes Yes at off-the-pace ang paboritong si Ikel, samantalang nag-aabang sa tersero ang Golden Empire. Noong nagparemate si Golden Empire, nanalo pa ito ng isa't-kalahating kabayo mula sa sumegundong si Chevrome. Tersero si Sea Princess at cuarto si Spring Collection, na pang-anim sa dehado mula sa treseng kalahok. Ang tiempo para sa milyang karera ay 26-23'-24-28 para sa total 1:41.8. Kumopo naman ng P600,000 premyo ang may-ari ni Golden Empire na si Anton Almeda, anak ng registered owner na si Lamberto "Jun" Almeda, na tumanggap ng breeders' prize na P30,000 para sa colt na Minx x Golden Ballet.

Kasama rin siyempre sa awarding ceremony na nabigyan ng tropeo ay ang nanalong hinete, si Kelvin Abobo, at trainer na si Quirino Rayat. Mismong sina Philracom chairman Angel L. Castano, Jr. executive director at commissioner Jesus Cantos, at commissioners Atty. Vic Tantoco, Dr. Eyo Fernando, at Lyndon Guce ang nag-abot ng tropeo sa mga winners, kasama na rin si PRC racing manager Dan Valmonte. Sa PCSO Special Maiden Race, nanaig ang segundo llamadong Water Shed filly na owned and bred ni Aristeo "Putch" Puyat sa lahing Master Class x Wooded. Halos banderang tapos ito sa 1,200 meters na karera, ngunit ilong o nose lang ang kanyang lamang sa dikit na segundong Heart Summer na siyang llamado.

Hindi sumuko ang hinete ni Water Shed na si Rodeo Fernandez sa kaka-ayuda sa kanyang sakay hanggang ito'y tumawid sa meta. Tersero si Machine Gun Mama, isang dehado at cuarto si Isla Verde na fourth choice lang. Ang tiyempo ay 24'-22-26 para total 1:12.8. Dumalo sa naturang karera si PCSO general manager Atty. Jose Ferdinand M. Rojas II at iba pang opisyal ng PCSO. Noong Linggo naman, Mayo 20, ang pinakaaabangang Philracom 2st Leg Triple Crown. Halos napatid ang litid ng bayang karerista kakasigaw sa ganda ng performance ni Hagdang Bato, colt ni Mayor Benhur Abalos, na pinanalo ang milyang karera sa oras na 1:39 sa pag-gabay ni Jockey Jonathan Hernandez. Ngunit leeg lang din ang panalo nito sa rumaragasang Steel Creation na sumegundo. Tersero si Humble Riches na siyang kaluchahan ni Hagdang Bato yugto ng karera. Cuarto naman si Patron.

Last Updated on Monday, 28 May 2012 07:17