HATAW! "KUROT SUNDOT" Oktubre 24, 2014 

SIGURADO tayo na maganda ang naging pag-uusap ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM) at Board of Stewards ng Metro Turf noong October 22 sa board meeting ng Philracom.

Katulad ng pangako ng Philracom sa Kolum nating Kurot Sundot, tinalakay sa nasabing board meeting ang kinumentaryo natin dito na dikit na pagtatapos na hindi idinaan sa photo finish.

Katunayan n'on ay may sampol na ng pagsunod ang Metro Turf sa kautusan ng Philracom. Nitong Miyerkules ay dumaan sa photo finish ang dikit na pagtatapos ng (No. 5) EIONEIONEIONE at (No. 6) Mrs. Jer.

Sa puntong iyon ay kuntento ang racing aficionados sa naging resulta ng laban lalo na't yung nakataya sa natalong si Mrs. Jer.

Kung titignan nga kasi, medyo lamang sa camera na ginagamit sa aktuwal na takbuhan ang Mrs. Jer na nasa balya dahil nga sa iba ang anggulo ng camera na ginagamit sa photo finish.

Tutal nakahirit na tayo ng isang ikagaganda ng karera sa Metro Turf, hirit pa tayo na i-adjust yung camera na kumukuha nga aktuwal na takbuhan na dapat ay naka align sa camera ng photo finish. Sa ganoon ay halos may ideya na ang mga mananaya kung sino ang lamang sa dikit na pagtatapos. Ganoon naman ang nangyayari sa Sta Ana at San Lazaro, bakit hindi sa Metro Turf?